Sa gitna ng papalapit na ICC trial ni Rodrigo Duterte at ang posibleng conviction ng anak na si Vice President Sara Duterte, sinimulan na rin ang extradition ng bespren ni Digong na si Apollo Quiboloy, ang self-proclaimed “Appointed Son of God.”
Tulad ng mga Duterte na ngayon lang nahahalungkat ang bilyon-bilyong umano’y tagong yaman, nagkamal din si Quiboloy ng multi-milyong mga ari-arian sa Estados Unidos at Canada.
Ayon sa imbestigasyon ng Rappler, nagmay-ari siya ng mga bahay na tinatantiyang P262.52 million sa Hawaii at Las Vegas. Idagdag pa diyan ang tatlong bahay na natuklasan ng Rappler — isa sa US at dalawa sa Canada — na estimated na may halagang P338 million.
Paano siya nakapagpayaman nang ganito?
Sa pamamagitan ng testimonya ni Maria de Leon sa Estados Unidos, ang insider at taga-ayos ng papeles ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), nakita ng mga otoridad sa US kung paano minanipula ng grupo ang American immigration system.
Dahil sa paperwork ni De Leon, nagpatuloy ang KOJC members sa US kung saan nagso-solicit sila ng donations para sa pekeng charity.
Pawis at dugo ng mga “children” ng kanyang “kingdom” ang dahilan bakit nakapagkamal ng yaman si Quiboloy at KOJC. Nagsipag-quit sila sa eskuwelahan, nagbenta ng ari-arian, nag-apply ng loans — para lamang makatugon sa “quota.”